BACOLOD CITY – Nahuli sa lalawigan ng Negros Occidental ang dating miyembro ng Philippine National Police na nahaharap sa patong-patong na kaso at nabibilang sa listahan ng national most wanted person sa bansa.
Sa report na inilabas ng PNP, si Anecio Lapara Jr. alyas Dondon o Junior Pulis ay naaresto sa Lapaz Street, Barangay 1 Poblacion, La Carlota City, Negros Occidental, alas-8:30 Linggo ng gabi.
Siya ay nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Special Operations Division at Regional Intelligence Unit-6; PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group; La Carlota City Police Station; at 1st at 2nd Negros Occidental Police Mobile Force Company.
Sumama rin sa operasyon ang mga kinatawan ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 8; Leyte Police Provincial Office; 2nd Leyte Provincial Mobile Force Company; Merida Municipal Police Station; Provincial Intelligence Unit sang NOPPO; Criminal Investigation and Detection Group Region 6 at Ormoc City Police Office.
Si Lapara ay nahaharap sa tatlong magkahiwalay na criminal cases para sa kasong robbery, robbery in bond at illegal possession of firearms.
Ang dating pulis ay tumakas sa Bureau of Jail Management and Penology facility sa Ormoc City habang nagpapatuloy pa ang trial sa kanyang mga kaso.
Si Lapara ay nabibilang sa listahan ng National Most Wanted Person sa ilalim ng DND-DILG Memorandum Circular 2002-39 at may itinakdang reward para sa kanyang pagkahuli.
Siya ay miyembro ng Philippine Constabulary Class 88 at naabsorb sa PNP noong taong 1991 ngunit umalis sa serbisyo noong taong 1999 at nanguna sa criminal gang na nag-ooperate sa Region 7 at Region 8.