-- Advertisements --

Itataas na sa full alert status ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang estado ng kanilang alerto simula November 25 bilang bahagi ng pagpapatupad ng seguridad sa Southeast Asian Games (SEA Games).

Ayon kay NCRPO chief Brig. Gen. Debold Sinas, nais lamang nila matiyak ang seguridad ng mga atleta kasama ang kanilang mga coaches na nasa bansa na.

Sinabi ni Sinas bukod sa mga uniformed personnel magpapakalat din sila ng mga naka-plainclothes policemen sa mga billeting area, sa iba’t ibang sports venues at mga hotels kung saan naka billet ang mga VIPs at mga heads of state.

Sinabi ni Sinas na nasa 8,000 mga pulis ang magbabantay sa 27 billeting areas, 19 naman sa ibat ibang sports venues sa Metro Manila.

Magsisimula aniya ang deployment ng mga pulis sa November 22.

Ang full alert status ay magsisimula sa November 25 hanggang December 14.

Nasa 80 plainclothes policemen ang ide-deploy sa mga maliliit na hotel habang 160 naman sa malalaking hotel.

Inihayag pa ni Sinas na sa ngayon wala silang natatanggap na mga banta kaugnay sa pagdaraos ng SEA Games.

Aniya, nakipag-ugnayan na rin sila sa kanilang mga counterpart lalo na sa NICA para sa kanilang intelligence monitoring.

“We have coordinated with our counterparts and the NICA, no threats pa po kaming narecieve, we just comply to the directive to secure the venues, the road and the billet areas, no threat have been recieve as of now,” pahayag pa ni Sinas.

Paalala naman ni Sinas sa mga manonood ng SEA Games, bawal ang pagdadala ng tubig, malalaking bag, matutulis at matatalim na bagay.

Dagdag pa ng heneral kung maaari ay transparent bag ang gamitin sa pagpasok sa mga venue ng SEA Games.

Samantala, ipinauubaya na ni PNP OIC Lt Gen Archie Gamboa sa mga regional police directors ng NCRPO, Region 4A, Region 3 at Region 1 kung magtataas sila ng alerto.