Tuloy na tuloy pa rin ang pagbubukas ng klase ngayong araw sa lalawigan ng Catanduanes sa kabila ng pananalasa ng Bagyong Paeng nitong nakaraang linggo.
Kung maaalala, unang nag-landfall ang bagyo sa bayan ng Virac noong Sabado, Oktubre 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes School Division Superintended Susan Collano, halos lahat ng paaralan sa lalawigan ay mag-iimplementa na ng full face-to-face classes.
Tanging tatlong paaralan lang mula sa bayan ng Bato ang magpapatupad ng blended learning.
Subalit hindi naman kasama rito ang mga nasa Senior High School kung saan ilang grade levels lang ang magsasagawa ng naturang modality ng pag-aaral.
Nilinaw ni Collano na magkakaroon pa rin ng tatlong araw na in-person classes ang mga mag-aaral na sakop ng naturang ipapatupad na distance learning.
Ilang silid-aralan kasi ang nasira ng nagdaang bagyo at posibleng dalawang buwan pa ang hihintayan bago magamit.
Samantala, inihayag din ng opisya na ipapatupad pa rin ang pagsusuot ng face masks sa loob ng classroom bilang pag-iingat lalo pa’t hindi na naoobserba ang physical distancing.
Maaalala na inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang boluntaryong pagsusuot ng face masks sa mga indoor areas.