Mariin umanong imumungkahi ni Deaprtment of Agriculture (DA) sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang full opening o tuluyang pagbubukas ng sektor ng pagsasaka upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain habang may krisis sa coronavirus.
Ayon kay DA Sec. William Dar, kanya raw irerekomenda ang pagbabalik sa maximum operations ng sektor ng pagsasaka at pangingisda, habang tumatalima pa rin sa ipinapatupad na physical distancing at paggamit ng face mask.
Paglalahad pa ng kalihim, dapat na magpatuloy ang food production dahil haharap ang bansa sa mas malaking problema sakaling hindi ito matugunan agad.
Kaya naman, sinabi ni Dar na kanya raw ipapaliwanang nang husto sa task force ang pangangailangan para sa full opening, habang nakasunod pa rin sa quarantine measures.
Kanya raw isusumite ang naturang rekomendasyon sa magiging pulong ng task force ngayong araw.
Umaasa naman ang opisyal na susuportahan ng mga miyembro ng IATF ang kanyang magiging rekomendasyon.