-- Advertisements --
viber image 2023 01 07 21 06 53 864

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumalat na balita hinggil sa umano’y gulo na mangyayari sa mga tagapagtaguyod ng seguridad sa Pilipinas.

Ito ay matapos na kumalat ang kopya ng pekeng memorandum order ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na nagsasabing itinaas sa “full red alert status” ang lahat ng yunit ng Pambansang Pulisya dahil sa umano’y destabilization plot ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa isang virtual press briefing ay binigyang-diin ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo na walang naging direktiba si PNP chief Azurin ukol dito.

Aniya, kasalukuyang nakataas sa “heightened alert status” ang buong hanay ng kapulisan bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Lunes, Enero 9, 2023.

Bukod dito ay nilinaw din ni Fajardo na ang mga kumakalat na video at larawan ng mga tangke sa loob ng National Headquarters ng Pambansang Pulisya sa Kampo Crame ay walang kinalaman sa maling impormasyong kumakalat dahil ito aniya ay bahagi rin ng kanilang paghahanda sa naturang okasyon.

Samantala, sa ngayon ay patuloy naman na inaalam ng mga otoridad kung saan galing ang mga larawan at video, at gayundin ang pekeng memo at text messages na kumalat sa buong social media na nagdulot ng takot at pangamba sa marami hinggil sa umano’y nagbabadyang kaguluhan sa pagitan ng mga uniformed personnel ng bansa.

Muli rin itong umapela sa taumbayan na huwag maniwala, patulan, o ipakalat pa ang nasabing “fake news” upang hindi na ito pagmulan pa ng takot ng publiko.