Pinagpaplanuhan na ng Philippine at US military ang Full-scale battle simulation sa susunod na linggo sa ilalim ng Balikatan Exercises.
Paliwanag ni US Indo-Pacific Command Commander Admiral Samuel Paparo, ito ay sasaklawin ng mga probisyong nakapaloob sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa.
Kinabibilangan ito ng battle simulation ukol sa pagdepensa sa Pilipinas at humanitarian at disaster relief operations.
Sa ilalim nito, magiging joint control ang isasagawang simulation na sasalihan ng iba’t-ibang command, military units, at assets.
Ayon kay Paparo, ito na ang pinakamalaking simulation sa kasaysayan ng balikatan Exercises gamit ang iba’t-ibang mga kagamitang pandigma ng US at ng Pilipinas.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., kasalukuyan pa rin ang ginagawang pagpaplano ukol sa kung gaano karami ang mga sundalong magiging bahagi nito.
Bukas din aniya ito sa iba pang mga bansa na gustong sumali o magsilbing observer, tulad ng una nang nangyari ngayong taon.