Iginawad ng gobyerno ng Pilipinas ang hero’s burial sa abo ng dating Pangulong Fidel V. Ramos na inihatid sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Si FVR na ika-12 presidente ng bansa at nagsilbi sa pagitan ng 1992 hanggang taong 1998 ay iginawad din ang state funeral na dinaluhan pa ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula sa pag-alis ng urn pasado alas-10:00 ng umaga sa Heritage Park napuno ng mga seremonyas at tradisyon ang paghahatid sa kanya mula sa inilatag na full military honors.
Ang pagbibigay pugay kay Ramos ay hindi lamang sa pagiging dati nitong commander-in-chief, kundi bilang tribute na rin sa kanyang pagiging decorated military officer at Korean War veteran.
Mahigit sa 1,000 mga military personnel at mga contingent ang inilatag sa mga seremonyas hanggang sa pagsasaboy ng bulaklak ng ilang beses mula sa pinalipad na helicopter doon sa libingan.
Ilang armed forces personnel at mga supporters ang humanay din sa dinaanan ng convoy o funeral hearse, na ang iba ay nagwagayway ng puting banderitas na may nakasulat na “paalam at salamat, FVR.”
Naging tampok din sa programa ang pagbibigay ng saludo ng AFP sa pamamagitan ng 21-gun salute.
Ilang paboritong awitin ng dating presidente ang pinatugtog bilang bahagi ng programa.
Ang apo naman ng dating pangulo na si Leanna Sembrano ang nagdala ng urn patungo sa gravesite.
Ang pinaglagakan ng abo ni FVR ay malapit lamang sa puntod ni dating Pangulong Elpidio Quirino.
Samantala, agaw pansin naman ang last-minute appearance ng Pangulong Marcos Jr na nakasuot ng puting long sleeve at black pants.
Naging madamdamin din ang tagpo nang mismong ang pangulo ang nag-abot ng folded Philippine flag kay dating first lady Amelita “Ming” Ramos.
Batay kasi sa protocols at tradition ang dapat sanang mag-abot ng folded flag ay si AFP chief of staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro at ito rin ang nakalagay sa programa ng pamilya Ramos.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Bacarro, nagpaliwanag ito na naging maganda ang kinalabasan ng pangyayari.
Nagpapakita lamang daw ito ng pagiging mapagkumbaba ng Pangulong Marcos.
Ayon pa kay Bacarro, bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines, maaari namang ang Pangulong Marcos ang mag-abot ng watawat ng Pilipinas sa mga naulila ni FVR.
“Yong pagbibigay ng pangulo sa ating watawat sa mga naiwan ng ating dating Presidente Fidel Ramos ay pagpapatunay lamang ng anong klaseng presidente ang meron tayo. At napaganda and heading as commander-in-chief of the Armed Forces of the Philippines ay pwedeng magbigay ng watawat sa naulila ng ating dating pangulo,” ani Gen. Bacarro sa Bombo Radyo.
Sa pagtatapos ng programa, todo pasalamat ang dating unang ginang sa mga sumuporta at nakiramay sa kanilang pagdadalamhati.
Sa maiksing talumpati ibinahagi nito ang hirap ng buhay na merong mister na isang sundalo.
Hindi rin pinalagpas ni Mrs Ramos ang pamosong “thumbs up sign” ng kanyang mister sabay bigkas ng “kaya natin ito.”