Kagaya noong nakaraang taon, hindi pa rin dumalo sa paggunita sa ika-34 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ang ilan sa itinuturing na mga icons gaya ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Commissioner Christopher Carrion ng EDSA People Power Commission na hindi nagtungo sa okasyon si Ramos dahil mayroon umano itong sakit.
Ayon pa kay Carrion, hindi na rin sila nag-imbita pa ng maraming mga personalidad dahil nais lamang nila na maging simple ang paggunita sa EDSA 1 ngayong taon.
Paliwanag pa ng opisyal, kaya hindi nila ginawang enggrande ang pagdiriwang dahil nag-iingat sila bunsod ng outbreak ng coronavirus disease (COVID-19), at gusto rin nilang makisimpatiya sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero.
“It’s just that this year we really wanted to celebrate it [in a simple manner] because of coronavirus, and also the Taal [volcano eruption] victims sapagkat marami diyan they’re sad, they lost their homes,” wika ni Carrion.
Sa pananaw naman ni dating Sen. Heherson Alvarez, nakikita pa rin nitong buhay ang diwa ng EDSA kahit ilang dekada na ang lumipas.
Inihayag ni Alvarez sa pagtatanong ng Bombo Radyo, kahit na paunti na nang paunti ang mga personalidad na dumadalo sa taunang paggunita sa EDSA 1, wala naman daw dapat ikabahala rito.
“‘Yung celebration eh its part of the memory of the world. ‘Yang utak ng malayang EDSA ay utak ng malayang sambayanan at mahihirapan silang dayain,” ani Alvarez.
Maliban kina Carrion at Alvarez, nagtungo rin sa okasyon sina Interior Usec. Martin Dino, Communications Usec. Lorraine Badoy, National Historical Commission of the Philippines chairman Dr. Rene Escalante, at si Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na siyang nagsilbing guest of honor.
Kaugnay nito, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Debold Sinas, umabot sa 1,000 ang nakibahagi sa taunang pagtitipon.
Ipinagmalaki naman ni Sinas na “generally peaceful” ang EDSA commemoration dahil sa walang naitalang riot sa alinmang lugar.
Samantala, sa lungsod ng Makati, nagtipon-tipon ang mga miyembro ng August 21 Movement (ATOM) at ilan pang mga beterano ng EDSA Uno sa pangunguna nina dating Vice President Jejomar Binay at dating Sen. Rene Saguisag sa monumento ni dating Sen. Ninoy Aquino sa Paseo de Roxas sa lungsod ng Makati.
Dito ay kinanta nila ang awiting “Bayan Ko” at nag-alay din sila ng bulaklak sa bantayog ng dating senador.