Binigyang-diin ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos na hindi pa rin nawawala hanggang sa ngayon ang diwa ng EDSA People Power revolution na nagpatalsik sa isang diktador 35 taon na ang nakalilipas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ramos na kinakailangan pa rin ng mga Pilipino na kumilos upang makinabang sa kalayaan at karapatang nakasaad sa Saligang Batas.
“The revolution is not over and the work remains unfinished until every Filipino enjoys the freedoms and rights embodied in our Constitution, our democracy secure, and we regain our seat in the community of nations,” saad ni Ramos.
“Our nation’s destiny remains uncertain, but her history is evidence that we always succeed in achieving our shared aspirations when we work together,” dagdag nito.
Ayon pa sa dating pangulo, obligasyon ng bansa sa susunod na mga henerasyon ang totoong kwento ng Edsa Uno at ang legasiya nito.
Si Ramos, na isang dating heneral ng AFP, ang isa sa mga itinuturing na key figures ng EDSA People Power 1 na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Pumanig si Ramos sa mukha noon ng oposisyon at dating Pangulong Corazon Aquino na biyuda ng napaslang na si dating Sen. Benigno Aquino Jr.
Kalaunan ay si Ramos ang humalili kay Aquino bilang pangulo ng bansa noong 1992.