BACOLOD CITY – Abala man sa career at pamilya si US-based Pinay actress G. Toengi sa Los Angeles, California, hindi pa rin daw nawala sa kanya ang kagustuhang mapasaya ang mga kababayan sa gitna ng dinadanas na pandemya.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay G. Toengi, nag-aaral siya ngayon para sa kanyang Masters program habang nagta-trabaho sa isang Filipino grocery store sa marketing at branding department, Arts administrator ng Fil-Am art at hands-on mom din sa kanyang dalawang anak.
Sa kabila nito, hindi pa rin daw niya nalilimutan ang mga fans dito sa Pilipinas.
“Gusto ko lang po sabihin na maging matatag po kayo, kami pong mga artista nandito lang po sumusuporta din. Kaya kami gumagawa ng mga pelikula miski mahirap ang panahon. Lalong lalo na kailangan natin ang inspirasyon ngayon,” wika ng aktres.
Si G. Toengi ay gaganap sa “In house” episode ng horror trilogy film na “Quarantina Gothika” na mapapanood nang libre sa “Remembering Peque Gallaga” Facebook page sa Agosto 1.