Mariin pa rin daw na paninindigan nina US President Donald Trump at Chinese President Xi Jinping ang kanilang posisyon kaugnay ng trade talks sa pagitan ng kanilang pinamumunuang mga bansa.
Ito ay matapos magkaroon ng kasunduan ang dalawang pinuno na pansamantala munang itigil ang trade war sa pagitan ng China at Estados Unidos sa kabila ng pagnanais ng dalawa na magkaroon na ng pinal sa desisyon patungkol dito.
Nakapaloob sa agreement na ito na pansamantala munang isasantabi ng US ang dagdag taripa sa halos $300 billion o higit-kumulang P16 trillion pesos na mga produkto ng China na iniaangkat sa Estados Unidos.
Inilabas ang detalye ng nasabing agreement ilang oras lamang bago magkita sina Trump at Xi sa Group of 20 summit na ginaganap ngayon sa Osaka, Japan.
Duda naman ang ilang eksperto na maisasakatuparan ang agreement na ito dahil wala umanong binigay na deadline si Trump kung kailan matatapos ang trade talks nito kasama ang China.
Samantala, muli na namang nakita si German Chancellor Angela Merkel na nanginginig ang mga kamay habang nasa kalagitnaan ng isang seremonya sa Berlin.
Kitang kita ang tila pagnginig ng mga kamay ni Merkle habang mahigpit na nakahawak sa kaniyang mga braso. Kaagad siyang inalok ng tubig ngunit tumanggi ito.
Ayon kay Merkle dehydration daw ang dahilan kung bakit ito nangyari ngunit sinigurado niya na nasa maayos siyang kalagayan. Nang mahimasmasan ay saka na ito nakipag-shake hands sa bagong justice minister ng Germany.