-- Advertisements --

Kinundena ng Group of Seven (G7) foreign ministers ang mga mapanganib na maritime actions ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang joint statement, pinuna ng mga ministro ang paggamit ng China ng water cannon, mapanganib na maniobra, at ang pag-deploy ng coast guard at maritime militia sa naturang lugar upang takutin ang ibang bansa.

Ayon sa G7, ikinababahala nila ang sitwasyon sa WPS dahil na rin sa walang-tigil na agresyon ng China. Partikular na tinukoy ng mga ito ang ginagawa ng naturang bansa laban sa mga Philippine at Vietnamese vessel.

Giit ng G7, walang legal na basehan sa ‘expansive maritime claims’ ng China sa WPS, o hayagang pangangamkam sa teritoryo ng ibang bansa at tuluyang pagtukoy sa mga ito bilang sariling teritoryo.

Ipinagdiinan ng grupo ang pagtutol sa militarisasyon, pananakot, at paghahari-harian ng China sa naturang karagatan.

Ang naturang pahayag ay pinirmahan ng mga kinatawan ng Canada, France, Germany, Italy, Japan, UK, US, at European Union.

Nagpasalamat naman si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa naging pagtindig ng G7.

Ayon kay Manalo, ang pag-suporta ng grupo sa katatagan at kapayapaan sa West Philippine Sea ay mahalagang hakbang para mapanatili ang malaya at bukas na Indo-Pacific Region, salig sa mga probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Seas.