-- Advertisements --

Maariing kinondena ng Group of Seven (G7) nations ang ”iligal, mapanukso, mapanupil, at mapanganib na aksyon” ng China sa Indo-Pacific, partikular ang pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isang pahayag na inilabas ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila binanggit nito na ang G7 ay seryosong nababahala sa pagtaas ng mga insidente ukol sa mapanganib na maniobra ng mga Chinese Coast Guard (CCG) at paggamit ng mga ito ng water cannons laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Sa kanilang pagpupulong sa Charlevoix, Quebec, Canada, mula Marso 12-14, binatikos ng mga foreign ministers ng G7 ang mga hakbang ng China na pumipigil sa kalayaan sa paglalayag at paglipad na itinuturing nilang paglabag sa international law.

Nangako ang grupo na magtutulungan upang palakasin ang seguridad at katatagan sa Indo-Pacific, habang muling pinagtibay ang kanilang paninindigan na panatilihin ang isang malaya, bukas, at ligtas na rehiyon, batay sa soberenya, integridad ng teritoryo, mapayapang resolusyon ng mga alitan, at paggalang sa karapatang pantao.

Ang G7 ay binubuo ng mga nangungunang bansa kagaya ng Canada, France, United States, Germany, Italy, Japan, at United Kingdom.