Nagkasundo ang Group of Seven(G7) leaders sa ikalawang araw ng G7 Summit ngayong Sabado, Mayo 20 na ginaganap sa Hiroshima, Japan sa panibagong inisyatibo para labanan ang economic coercion.
Nangako rin ang G7 leaders na gagawa ng aksiyon para matiyak na anumang bansa ang magtatangkang i-weaponize ang economic dependence ay mabibigo at haharap sa consequences.
Tinawag ng G7 leaders ang naturang inisyatibo na Coordination Platform on Economic Coercion na gagamitin bilang early warning at rapid informtion sharing sa economic coercion kaakibat ng regular na pagpupulong ng mga miyembro para sa konsultasyon.
Bagamat hindi tinukoy sa statement ng G7 leaders ang China, ipinunto naman ng British government sa inilabas na proposed initiative ang mga pagtatangka ng China para gamitin ang economic power nito sa political disputes sa Australia at Lithuania.
Samantala, dumating na sa Japan si Ukraine President Volodomyr Zelensky lulan ng French government aircraft para dumalo sa G7 summit.
Ang surprise appearance ni Zelensky sa summit ay kasunod ng malugod na pagtanggap nito sa makasaysayang desisyon ni US President Joe Biden na pagbibigay ng fighter jets F-16 para sa depensa ng Ukraine laban sa Russian forces.