-- Advertisements --
HK PROTEST 2020

Lubhang nababahala umano ang mga top diplomats ng Group of Seven tungkol sa desisyon ng China na ipatupad ang national security legislation sa Hong Kong.

Base sa inilabas na joint statement ng G7 foreign ministers at European Union’s foreign policy chief, sinabi ng mga ito na ang tunay na layunin umano ng naturang hakbang ng Beijing ay upang targetin ang mga anti-government portesters sa teritoryo.

Taliwas daw ito sa isinusulong ng naturang bansa na pagsasaayos sa Basic Law ng Hong Kong maging ang pangako nito sa 1984 Sino-British joint declaration.

Magiging dahilan din umano ang panukala para masira ang umiiral na “one country, two systems” principle sa Hong Kong na gumagarantiya sa high degree of autonomy at kalayaan ng rehiyon mula sa China.

Inaasahan na ang mga detalye hinggil sa security legislation ay ilalatag sa gaganaping pagpupulong ng Standing Committee ng China’s National People’s Congress simula ngayong araw.

Nagpahayag na rin noong May ang Estados Unidos, Britain at dalawa pang bansa sa kanilang takot dahil sa nasabing sitwasyon.