-- Advertisements --

Nagpahayag ng patuloy na pagtutol ang Group of 7 sa mapanganib na paggamit ng China ng Coast guard at maritime militia nito sa pinaga-agawang karagatan at patuloy na pagharang sa ibang bansa mula sa malayang paglalayag sa high seas.

Ito ang inihayag ng G7 sa isang statement mula sa kanilang summit na ginanap sa Apulia, Italy.

Ayon sa G7 leaders, nananatili silang nababahala sa sitwasyon sa disputed waters at binigyang diin ang kanilang mariing pagtuol sa anumang unilateral attempt para baguhin ang status quo ng pwersahan o sapilitan.

Idinulog din ng G7 ang matinding pangamba sa umiigting na paggamit ng mapanganib na maniobra at water cannons laban sa mga barko ng PCG, BFAR at chartered supply ships.

Kaugnay nito, nanindigan ang G7 na walang legal na basehan para sa malawakang maritime claims ng China sa disputed waters at tinututulan din ng grupo ang militarisasyon ng China at ang intimidation activities sa naturang karagatan.

Binigyang diin din ng G7 ang UNCLOS at sa 2016 ruling sa arbitral case ng PH na nagpapawalang bisa sa sa 9-dash line claim ng China.

Ang pahayag na ito ng G7 ay sa gitna ng banta ng China na paghuli sa mga dayuhang trespasser sa kanilang inaangking karagatan simula ngayong araw Hunyo 15 na ikukulong sa loob ng 60 araw nang hindi dumadaan sa paglilitis.