Nais munang ipagpaliban ni US President Donald Trump ang gaganapin na G7 summit hanggang sa buwan ng Setyembre.
Sinabi ni Trump ang naturang desisyon bago ito magtungo ng Washington sakay ng Air Force One.
Una nang nagpahayag ang American president ng pagnanais na isagawa ang summit sa White House sa Hunyo kasunod ng umano’y pagbaba ng naitatalang coronavirus cases sa iba’t ibang bansa.
Ayon pa rito, pinag-iisipan din ng kaniyang administrasyon na imbitahan ang apat na bansang hindi kasapi ng Group of Seven para talakayin ang mga isyu tungkol sa China.
Ang mga bansang tinutukoy ni Trump ay ang Russia, South Korea, Australia at India.
Naghahanda na ring dumalo sa naturang pagpupulong sina Japanese Prime Minister Shinzo Abe, British Prime Minister Boris Johnson at French President Emmanuel Macron.