-- Advertisements --

Kinumpirma ng Russian presidential office na pormal nang nakarating kay Russia President Vladimir Putin ang imbitasyon para dumalo ito sa Group of Seven summit sa Setyembre.

Una nang inihayag ni Trump ang kaniyang pagnanais na imbitahan ang iba pang bansa sa naturang pagpupulong upang pag-usapan ang paksa tungkol sa China.

Ang mga bansang tinutukoy ni Trump ay ang Russia, South Korea, Australia at India.

Pansamantala munang ipagpapaliban ang G7 summit na orihinal sanang gaganapin sa Hunyo ngunit inilipat ito sa Setyembre kasunod ng patuloy na pagtaas ng coronavirus cases sa Estados Unidos.

Kasalukuyan namang pinapatatag ng Russia ang samahan nito sa China dahil na rin sa sunod-sunod na pagsubok sa US-China relations.

Ayon kay Dmitry Peskov, tagapagsalita ng bansa, kinakailangan pa raw nila ng karagdagang impormasyon bago magdesisyon si Putin hinggil sa imbitasyon.

Tutol naman ang Canada sa naturang plano ni Trump. Sinabi ni Prime Minister Justin Trudeau na matagal nang hindi parte ng G7 ang Russia matapos nitong sakupin ang Crimea.

“Russia’s continued disrespect and flaunting of international rules and norms is why it remains outside of the G7, and it will continue to remain out,” saad pa ni Trudeau.