Hindi umano kontento ang Games and Amusement Board (GAB) sa naging hakbang ng World Boxing Organization (WBO) na talo pa rin sa isinagawang rescoring si Manny Pacquiao sa naging laban kay Jeff Horn.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay GAB Chairman Abraham “Kalil†Mitra, iginiit pa rin nito na hindi pa naaaksiyunan ng WBO ang kanilang kahilingan na patawan ng sanctions ang referee.
Kung maaalala una nang sumulat ang GAB sa WBO na sinuportahan naman ni Pacquiao para magsagawa ng review sa kontrobersiyal na laban.
Matapos naman ang analysis at findings, sinabi ng WBO na nanalo raw si Pacquiao ng limang rounds lamang habang nakuha naman ni Horn ang pitong rounds.
Pero giit ni Mitra “unfair” na ni-review pero talo pa rin si Pacman.
Naniniwala ng GAB chairman na dapat ding kumilos ang WBO laban sa referee dahil sa naging kapalpakan sa paghawak sa laban.
Ani Mitra, kung nagtrabaho lamang umano ng husto ang referee dapat ding nagbigay ito ng babala sa maruming laro ni Horn.
Kung naging aktibo raw sana ang referee ay baka naging mas marami ang nakuhang puntos ng fighting senator.
“Medyo unfair din na lumabas ngayon na ni-review na talo pa rin tayo. Kasi nga po ‘yong pag-handle ng referee. Kung sa tingin ko na naging malinis sana ang laban sana sinabihan sina Pacquiao at Horn na walang tulakan mas maganda sana ang laban at sigurado ako na mas maraming points na nakuha si Manny at nanalo,” wika pa ni Mitra sa Bombo Radyo. “Sa ngayon ang pakiramdam namin “oo” inaksiyunan nga nila ang petition for review pero ‘yong sanctions na hinihingi namin para sa referee sana ‘yon ay inaksiyunan din nila.”
Una nang umani ng batikos ang ginawang scoring ng judge mula sa New York na si Waleska Roldan na ibinigay kay Horn ang siyam na rounds at tatlo lamang kay Pacquiao para sa 117-111.
Ang dalawa pang judges na sina Chris Flores ng Arizona at Ramon Cerdan ng Argentina ay pinaburan naman si Horn sa pamamagitan ng 115-113 o pitong rounds kontra sa lima ni Pacman.
Kasabay nito inungkat din ni Mitra ang ginagawa nilang pag-aaral sa kalakaran ng WBO lalo na sa pagtrato sa mga boksingerong Pinoy.
Inihalimbawa niya ang unang laban din noon ni Pacquiao kontra kay Timothy Bradley na isinailalim din sa review at nagkaiba sa rescoring.
Ngayon na naman daw ay naulit na naman at may kuwestiyon na naman.
“Meron po kasi kaming napansin na hindi maganda ang tawag ng referee. Kahit ilang beses nilang reviewhin at panoorin.  Kung maaga pa wina-warningan na si Horn na “Horn ‘wag kang hahawak, ‘wag kang mang-iipit sa kili-kili, kailangan malinis ang inyong laban otherwise idi-disqualify ko kayong dalawa o ipapahinto ko itong laban,” hindi ganyan ang naging kahinatnan niya. Ang may pagkukulang talaga ay ang referee.”
Samantala, nagpaliwanag naman ang WBO sa naging basehan sa rescoring na nagmula sa kinuha nilang limang mga “competent judges” na nagmula raw sa iba’t ibang mga bansa.
Ang muling pag-score sa laban mula sa video tape ay tinanggalan ng sound.
Pinagbasehan sa tabulation na dapat tatlong mga judges ang magkakapareho ng scoring mula sa lima.
Matapos ang analysis sa findings, sinabi ng WBO na nagwagi si Pacman sa 3rd round, 8th round at 9th round ng 100 percent.
Sa 5th round ay 80 percent naman na napunta ito kay Manny at ang 11th round ay 60 percent ang nakita ng mga judges.
Kay Horn naman daw ay napagwagian ang 1st round, 6th at 12th rounds na pawang nasa 100 percent.
Ang round 2nd, 4th at 7th ay nasungkit naman ng Australian star ng 80 percent.
Ang 10th round ay 60 percent ang nakita na panalo raw ng undefeated na 29-anyos na boksingero.
Samantala sa paliwanag pa WBO, matapos ang isinagawang analysis, pinagsama raw ang resulta ng scoring ng Independent Judges at ng mga bout judges upang makita ang “percentage agreement†sa kada round.
“The analytical method utilized was also used in the decision of Algiere-Provodnikov and Pacquiao-Bradley. Based on this analysis, Jeff Horn was the winner of the bout,†bahagi ng statement ng WBO.
Bago ito, sinabi ng WBO na anuman ang resulta ng imbestigasyon, hindi na mababago pa ang panalo ni Horn bilang bagong WBO welterweight champion.
Sa ngayon, inaantay naman ang susunod na magiging desisyon ng fighting senator kung susundin ang kanyang option na rematch clause sa naunang pinirmahang kontrata.