Handang magbigay ng tulong ang Games and Amusements Board (GAB) kay dating world 8-Ball champion Dennis Orcollo matapos na ito ay ma-deport mula sa US dahil sa overstaying.
Dahil sa nangyaring insidente ay nahaharap si Orcollo ng 5-year ban mula sa US na maaapektuhan ang kaniyang paglalaro ng mga torneo sa nasabing bansa.
Sinabi ni GAB chairman Abraham Mitra na labis silang nalungkot ng matanggap ang balita na nakulong pa si Orcollo matapos magpaso na kaniyang visa.
Dagdag pa nito na hindi aniya masisisi si Orcollo dahil sa nagiging matagumpay siya sa bawat torneo na sinasalihan sa US.
Tiniyak nito na handang tumulong ang GAB para makakuha ng visa si Orcollo at makapaglaro sa mga torneo sa US.
Tutulungan nila ito na ma-renew ang kaniyang Professional Billiard Player License at magbigay ng endorsement sa US.