Tuluyan na ngang tinapos ng Games and Amusement Board (GAB) ang karera ni John Amores na makapaglarong muli sa Philippine Basketball Association (PBA) league.
Ayon sa GAB, tuluyan na nilang ni-revoke ang professional license ni Amores dahil ito ay guilty sa “conduct unbecoming of a professional basketball player.”
Ito ay matapos na masangkot si Amores at ang kapatid nito sa isang shooting incident sa Lumban, Laguna noong Setyembre ng kasalukuyang taon kung saan pinutukan ng baril ng basketball player ang isa pang kapwa manlalaro pagkatapos ng laro.
Dahilan para makasuhan ito ng attempted homicide. Kasalukuyan namang nakapagpiyansa ang magkapatid at nakalaya na.
Samantala, nauna na dito ay na-suspinde rin ito “for conduct detrimental to the league” at napagsabihan na rin ng pamunuan ng PBA na ayusin ang kaniyang “anger and violent tendencies.”
Ang pagpapawalang-bisa naman ng kaniyang lisensya ay effective immediately at tinatayang pagtatapos ng karera nito sa basketball league.