Muling nagisa ng husto sa virtual hearing sa Kamara de Representantes si Eugenio “Gabby” López III ang chairman emeritus ng ABS-CBN Corporation sa kanyang pagiging American citizen.
Muling ipinagpatuloy ng House Committe on Legislative Franchises kasama ang Committee on Good Government and Public Accountability and Day 4 sa pagdinig kahit naka-adjourn na ang Kongreso.
Ang pagdinig ay kaugnay pa rin sa hinihinging prangkisa ng network na unang pinatigil ang operasyon ng National Telecommunications Commission dahil sa pagpaso ng legislative franchise.
Binusisi ng husto ng ilang congressman ang pagkakaroon ng dual citizenship ni Lopez na Amerikano at bilang isang Filipino.
Ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, mahigpit sa mga batas sa Pilipinas na dapat isang Pilipino at hindi dayuhan ang dapat mag may-ari ng mass media.
Giit naman ni Lopez, nagtataka siya kung bakit lamang ngayon nakatutok ang technicality sa prangkisa sa isyu ng kanyang dual citizenship, samantalang sa puso at isip daw niya sa buong buhay ay isa raw siyang Pinoy.
Samantala, tinukoy naman ni Rep. Rufus Rodriguez na nagkumpirma na ang Bureau of Immigration at DOJ na si Lopez ay isang Filipino citizen kaya maaari itong maging opisyal at manager ng network.
Sa isang punto naman nang pagdinig ay pinabigkas pa ni Marcoleta si Lopez ng isang bahagi ng Panatang Makabayan.
Natatawa namang binigkas ni Lopez ang “Iniibig ko ang Pilipinas.” Pero tinukoy ni Marcoleta na si Lopez ay tinulungan ng kanyang abogado.
Tinanong din ng mambabatas kung “saang bahagi ng dibdib ni Lopez ilalagay si Uncle Sam.”
Sagot naman ni Lopez “ang puso ay Pilipino eh.”
Si Cavite Rep. Elpidio Barzaga ay inungkat din ang Article 16, Section 11 ng 1987 Constitution sa isyu ng ownership at management ng mass media na limitado raw sa mga citizens ng Pilipinas.
“‘Pag ikaw ay dual citizen meron kang dual allegiance. Ang katapatan mo ay sa dalawang bansa. Katulad ni Mr. Lopez, ang katapatan niya ay sa bansang Pilipinas at sa bansang America.”
Pagtatanggol naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na isang abogado, “Ang bawal ay dual allegiance pero ‘di pinagbabawal ang dual citizenship.”