Itinuturing ni Marlon De Guzman, isang OFW sa Hong Kong at founder ng Grace Guardians Hong Kong na naging matagumpay ang ginawang pagpapakain nila gabi-gabi sa mga barangay tanods ng Barangay Capataan, San Carlos City na tumatayong frontliners.
Mula ng magsimula ang ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa lalawigan ng Pangasinan ay walang kapaguran ding naghahanda ng mga pagkain sa mga frontliners ng barangay ang ilang mga kasamahan ni De Guzman sa pamumuno ni Sangguniang Kabataan kagawad Rica Reyes De Guzman, Grace Guardians Armando Casillan at SRB Kempee De Guzman.
Ipinakita lamang nila na hindi na kailangan na mahalal para makatulong sa ibang tao dahil patuloy ang kanilang pagtugon sa nakagisnan nilang paniniwala na maglingkod sa barangay sa isip, salita at sa gawa.
Pinasalamatan naman ni De Guzman na kasalukuyang nasa Hong Kong ang mga barangay opisyal ng Capataan sa pamumuno ni Punong Barangay Rodel Pamintuan at Barangay Tanod na pinamumunuan ni Romeo De Guzman sa hindi pagpapabaya sa barangay dahil wala pang naitatalang kaso ng coronavirus sa lugar.