-- Advertisements --

Pansamantalang ititigil muna ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang pagtanggap ng mga admitting patients sa kanilang emergency room.

Ito ay kasunod ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 infections sa mga empleyado at personnel ng naturang pagamutan.

Batay sa nilagdaang Memorandum No. 2022-002 ni GABMMC director Dr. Teodoro Martin, pansamantalang ipapasara ang emergency room ng ospital upang makapagsagawa ng disinfection dito at maayos na mapamahalaan at ma-discharge ang mga kasong may kaugnayan sa COVID-19 na kasalukuyang naka-admit dito.

Samantala, sa pamamagitan ng maayos na pakikipag-ugnayan kay Mr. Reynaldo L. Paglinawan Jr., ang Nursing Coordinator ng ospital, ang mga paparating pang mga pasyente ay sasailalim pa rin sa evaluation atsaka ililipat sa iba pang city hospital upang matugunan pa rin ang mga pangangailangang medikal ng mga ito.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang naturang pagamutan at nanawagan din ito sa iba pang mga ospital na maaring tanggapin ang mga pasyenteng ililipat dito.