LEGAZPI CITY – Lumapit na ang Gabriel Bicol sa Commission on Human Rights (CHR) kasunod ng umano’y insidente ng panghaharass sa grupo na nagsagawa ng kilos-protesta sa Legazpi City kasunod kasabay ng huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Salaysay ni Nica Ombao, regional coordinator ng Gabriela Bicol sa Bombo Radyo Legazpi, coordinated naman ang kanilang protesta at may permit mula sa lokal na pamahalaan ng Daraga, Legazpi at Albay provincial government.
Mapayapa naman umano ang kanilang aktibidad na isinagawa sa harap ng Bicol University nang isang police officer ang lumapit at humingi ng permit na agad namang ibinigay.
Subalit nang magtapos na, isang grupo naman ng SWAT ang dumating na armado ng matataas na kalibre ng baril kasama ang isang police official ang muling humingi ng permit sa Gabriela na bigong maibigay dahil naiabot na sa una.
Bunsod nito, umusbong ang tensiyon na sinundan pa umano ng mobile ng SWAT ang grupo sa pagsakay sa jeep hanggang sa tanggapan ng Karapatan Bicol.
Nakuhanan ng video ang insidente na trending ngayon sa social media at nakakatanggap ng samu’t saring reaksyon.
Sa kabilang dako, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ukol dito ang PNP.