-- Advertisements --

Muling umapela ang Gabriela Partylist kay Pangulong Bongbong Marcos na humingi ng executive clemency para sa kababayan natin na si Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang kamatayan sa Indonesia.

Ang apela ay ginawa ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas sa pagsisimula ngayon ng state visit ni Pangulong Marcos sa Indonesia at sa nakatakdang bilateral meeting nito kay President Joko Widodo.

Giit ni Brosas, matagal nang nakakulong si Veloso sa Indonesia sa kasalanan na hindi umano nito ginawa.

Sabi ni Brosas, natapos na ang termino ng dalawang presidente at ngayon na si Marcos na ang pangulo, dapat ipursige ang pagpapalaya kay Veloso.

Biktima aniya si Veloso ng human trafficking gaya ng iba pang mga Pinoy na nakakulong sa Indonesia na karamihan ay mga kababaihan.

Taong 2010 nang maaresto si Veloso sa Indonesia dahil sa pagbitbit nito ng nasa 2.67-kilograms ng heroin na nakita sa kanyang maleta.

Sabi ni Brosas, isusulong din ng Gabriela ang panukala para maayos ang mga pagkukulang sa anti-trafficking efforts ng gobyerno at maiwasan na may mga panibagong Mary Jane Veloso ang mabiktima ng mga drug syndicates at traffickers.