Hiniling ni Gabriela Rep. Arlene Brosas sa pamahalaan na ilagay na sa watchlist ng Bureau of Immigration si Senator Ronald Dela Rosa upang pigilan ang posibilidad ng pagtakas niya.
Ito ay kasunod na rin ng aniya’y mistulang pagkatakot na ng Senador sa International Criminal Court (ICC).
Maaalalang sinabi ng Senador na ikinokonsidera niya ang posibleng pagtatago bilang isang opsyon kung sakaling lalabas din ang kaniyang warrant of arrest mula sa international body.
Ayon kay Brosas, dapat ay hindi hayaan ng Marcos Jr. administration si Sen. Bato na gumawa ng mala-Harry Roque o mala-Alice Guo na pagtakas.
Ang pagsasailalim sa kaniya sa watchlist aniya ay isa lamang ‘bare minimum’.
Binigyang diin ng Kongresista na ang mga naging pahayag ng Senador sa mga nakalipas na araw ay nagpapakita ng kaniyang takot at pagkabahala sa isang entity na may alam sa bigat ng mga krimeng nagawa sa ilalim ng drug war na kaniyang pinangunahan.
Una nang ibinunyag ni ICC assistant to Counsel Kristina Conti na kasama ang dating heneral sa mga inimbestigahan ng international body at posibleng ilalabas din ang kaniyang warrant of arrest sa mga susunod na araw.
Maaalala na si Dela Rosa ang nagsilbing pinakaunang Philippine National Police chief sa panunungkulan ni dating Pang. Duterte.