Hinimok ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon ang Senado na magpatawag ng isang special session upang simulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gadon, kinakailangang kumilos agad ang Senado dahil sa malawak na kaalaman ng publiko ukol sa mga alegasyon laban kay VP Duterte, kabilang na ang umano’y maling paggamit ng daan-daang milyong pisong confidential funds at mga pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
‘Katungkulan ng Senado na dinggin ang bagay na ito sapagkat ito ay isang isyu ng pambansang kahalagahan at isang agarang usapin. Kaya kinakailangan ay magpatawag sila ng special session,’ pahayag ni Gadon sa isang video statement itong Huwebes.
‘Ito naman ay hindi magtatagal sapagkat nakalatag na ang mga grounds for impeachment at ‘yan naman ay meron nang public knowledge, milyun-milyon na mga Pilipino ang nakaalam kung bakit dapat na matanggal si Vice President Sara Duterte sa kanyang puwesto kaya hindi pwedeng magbingi-bingihan dito ang mga senador,’ dagdag pa niya.
Binalaan din ni Gadon na ang pagpapalampas sa impeachment case ay nangangahulugang pagtanggap sa mga isyu ng katiwalian, malalaking krimen, at pagtataksil sa public trust.
‘Ito ay kanilang katungkulan sang-ayon sa batas, sang-ayon sa Konstitusyon dahil ang pagbalewala nila dito sa impeachment na ito ay nangangahulugan na kanilang kinakatigan ang corruption, ang high crimes, ang mga violation na ginawa ng Bise Presidente at ang betrayal of public trust,’ diin ni Gadon.
Binanggit din niya na may kapangyarihan ang Senado na magpatuloy ng operasyon kahit sa panahon ng halalan sa pamamagitan ng pagtawag ng special session.
Maaalalang kahapon, Miyerkules, Pebrero 5, nang in-impeach ng mga kinatawan ng Kamara si VP Sara, na may kabuuang 239 na kongresista ang naghain ng impeachment complaint. Inilipat na ang kaso sa Senado, ngunit nag-adjourn ang mataas na kapulungan nang hindi ito tinugunan.
Upang magpatuloy ang impeachment trial, kinakailangan ng Senado na magpasa ng resolusyon upang itatag ang sarili bilang impeachment court. Para ma-kondena at matanggal sa puwesto ang inire-reklamo, kailangan naman ng 2/3 na boto mula sa mga senador, o 16 sa 24 na bilang ng mga senador.