VIGAN CITY – Nanindigan ang dating National Youth Commission chairman na si Ronald Cardema na sinungaling si Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa kontrobersiya sa pagitan nina Cardema at Guanzon na nag-ugat sa pagkakabasura ng nominasyon nito bilang representative ng Duterte Youth Partylist dahil sa edad nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Cardema na ngayon lamang ito nagsalita dahil mayroon silang gag order mula sa korte.
Maliban pa rito, sinabi rin nito na hawak kasi noon ni Guanzon ang accreditation ng Duterte Youth pati na ang deklarasyon na kasali sa mga nakapasok sa Kongreso na partylist group ang kanilang grupo.
Kaugnay nito, muling hiningi ng dating NYC chairman na itigil na ng opisyal ang paghahabi umano ng kuwento at pagkuha ng simpatiya ng publiko para lamang maipakita na siya ang biktima na hindi naman daw totoo.
Sa kabila nito, nandigan din ang dating NYC chair na gagawa ito ng paraan upang maparusahan ang nasabing opisyal ng poll body.