Posibleng sa Agosto pa masimulang dinggin ng Kamara ang 11 panukalang nakabinbin sa House Legislative Committee para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na marami pa kasing mas urgent na mga panukalang batas na prayoridad na maipasa ng Kongreso katuladnal amang ng Comprehensive Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) na inaasahang magbibigay ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Sa kabila nito tiniyak naman ni Cayetano na patuloy pa rin itong makakapag-operate kahit nakatakda nang mapaso ang prangkisa sa susunod na buwan.
Mayroon na kasing silang ugnayan sa National Telecommunications Commision (NTC) ukol dito sapagkat itinuturing aniya nila ang media giant bilang “napakahalagang institusyon” sa bansa.
“I’ll reiterate: there is no threat, because ABS-CBN will not shut down,” ani Cayetano.
Samantala, nanindigan naman si Cayetano na hindi dapat unahan ng Senado ang Kamara sa pagdinig ng prangkisa ng ABS-CBN dahil paglabag ito sa Saligang Batas.
“Ano ba sabi sa Constitution? Saan ba mag-uumpisa ang prangkisa? Sa House or sa Senate? Kaya sang-ayon ako kay Senate President Tito Sotto noong sinabi niyang, ‘Anong ihi-hear mo?’ Kasi ‘pag dineny namin, wala siyang ihi-hear. ‘Pag in-approve namin, e ‘di may records na siya ng lahat ng nagsabing gusto at hindi, at 300 mahigit ang kongresista,” ani Cayetano.
Gayunman, sa ngayon, mas mainam ayon sa lider ng Kamara na pakinggan muna nila ang lahat ng opinyon patungkol sa franchise renewal application ng Lopez-led broadcast company at pag-usapan kung ano ang mabuti para sa bansa.