GENERAL SANTOS CITY – Matapos ang 6.3 magnitude na lindol ay nasunog ang portion ng Gaisano Mall na nakaharap sa National Highway nitong lungsod.
Kaagad dumating sa lugar si Gensan Mayor Ronnel Rivera para i-assess ang pinsala sa nasabing sunog matapos tumama ang malakas na lindol.
Kabilang sa tinupok ng apoy ang bakery, food court, area ng kitchenware at furniture, portion ng department store, ilang food stalls at ilang mga bodega ng naturang mall.
Sinabi ni Bureau of Fire Protection Gensan Fire Marshall Reginald Legaste na nagkaroon ng secondary effect ang nangyaring lindol kayat nagkaroon ng apoy sa naturang mall subalit hindi naman idinetalye ang pinagmulan ng sunog.
Kinumpirma din nito na maliban sa rumesponde na mga fire truck ng Bureau of Fire Protection-GenSan at mga private fire trucks sa lungsod, tumulong rin upang maapula ang apoy ang fire truck mula sa Malapatan Sarangani Province, South Cotabato, pati sa Davao City kung saan may ladder ang kanilang ipinadalang fire truck.
Ayon pa sa BFP na umabot sa 3rd alarm ang nasabing sunog.
Hindi naman naglabas ng pahayag ang mga opisyal ng naturang pinakamalaking mall sa lungsod hinggil sa malaking sunog.