Tila kahina-hinala ang galaw ng isa sa pinakamalaking research vessel ng China sa mga baybayin sa Luzon ayon kay Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea Comm. Jay Tarriela.
Ito ay dahil napanatili aniya ng naturang barko ng China ang tinatayang distansiya na 24 hanggang 25 nautical miles mula sa baybayin ng Luzon.
Kung makikita aniya ang kabuuan ng Luzon, maraming “contours” pero napanatili pa rin aniya ng naturang Chinese research vessel ang parehong distansiya.
Kayat palaisipan sa opisyal kung bakit intensiyonal na sinusundan ng Chinese vessel ang contour ng coastline ng ating bansa.
Bagamat sinabi ni Comm. Tarriela na maaaring haka-haka lamang ito, ang katotohanan na isa itong Chinese research vessel, isang katanungan aniya kung bakit nila ito ginagawa.
Pagbubunyag pa ng opisyal na bagamat sinabi ng Lan Hai 101 na isinasagawa nito ang kanilang karapatan para sa innocent passage, naglayag aniya ang barko sa parehong distansiya habang kumikilos malapit sa ilang lugar sa Luzon gaya ng Palawan, Mindoro, Zambales, Pangasinan at Ilocos.
Nitong Miyerkules, iniulat ni Comm. Tarriela na huling namataan ang Lan Hai 101 sa layong 62 nautical miles mula sa coastline ng Babuyan island.
Una naman itong namonitor na nasa eastern coast ng Palawan noong linggo, Pebrero 9 saka naman ito naispatan na nasa 17 nautical miles west-northwest ng Lubang, Occidental Mindoro, umaga ng Martes base sa datos ng Philippine Navy.