Matagumpay na nasubaybayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga galaw ng 165-meter monster ship ng Chinese Coast Guard, CCG-5901, gamit ang teknolohiyang Dark Vessel Detection ng Canada.
Ayon kay PCG Spokesperson for West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, sa loob ng mahigit dalawang magkasunod na araw, ang barko ng Chinese Coast Guard ay naka-angkla malapit sa Escoda Shoal, kung saan pinapanatili nito na malapit sa BRP Teresa Magbanua.
Sinabi ni Tarriela, na ang distansya sa pagitan ng dalawang sasakyang-dagat ay wala pang 800 yarda, kung saan ang barko ng China ay nakaposisyon sa starboard beam ng PCG vessel.
Sinabi ni Tarriela na nuong July 1,2024 umalis ang barko mula sa Hainan at pumasok sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa sumunod na araw.
Noong July 3, direktang naglakbay ito sa Ayungin Shoal at kalaunan ay tumuloy sa Panganiban Reef. Makalipas ang ilang oras, muling na-detect ang barko, sa pagkakataong ito ay patungo sa Escoda Shoal.
Dahil dito, naglabas ng radio challenge ang BRP Teresa Magbanua.
Tinanong ng PCG ang intensyon ng barko ng China at binigyang diin na ito ay tumatakbo sa loob ng EEZ ng Pilipinas.
“Ang China Coast Guard monster ship now is on the starboard side ng 9701, at we still don’t know what’s their intention. We have been challenging their presence through radio calls – sinasabihan natin sila na ang inangkorahehan nila, the place where they anchored is actually part of the exclusive economic zone ng ating bansa and that they do not have jurisdiction in that area,” pahayag ni Tarriela.