Mas tumindi pa ang galit ng mga protesters nang idineklara ng gobyerno ng Thailand ang emergency decree kung saan pinagbabawalan sa kanilang bansa ang mga malawakang pagtipon-tipon.
Ginawa ito ng gobyerno ng bansa para matapos na ang tatlong buwan na mga kilos protesta sa Bangkok upang ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Prime Minister Prayuth Chan-ocha.
Daan-daang mga riot police ang idineploy para hulihin ang mga lumabag sa batas.
Umakyat na rin sa 20 mga activists at dalawang movement leaders ang inaresto ng mga otoridad na kinabibilangan ni Parit “Penguin” Chirawat at rights lawyer Arnon Nampa at Panusaya “Rung” Si-thi-ji-ra-wa-tta-na-kul.
Kasama sa ipinagbawal sa Thailand ang paglalathala ng balita at electronic information na naglalaman ng mga mensahe na maaaring lumikha ng takot o sadyang pagbaluktot ng impormasyon at lumilikha ng hindi pagkakaunawaan na makakaapekto sa seguridad ng bansa o kapayapaan at kaayusan nito.
Napag-alaman na mas lumaki pa ang bilang ng mga protesters sa nagdaang tatlong buwan kung saan kahapon ay umabot na sa 10,000 mga tao ang nagmartsa sa Bangkok kung saan ang iba ay nagtatayo na ng kampo sa labas ng Government House.