-- Advertisements --
CARLITO GALVEZ COVID
Sec. Carlito Galvez, chief implementer of the government’s national action plan

Iniutos ngayon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga ahensiya ng gobyerno na payagan nang makauwi ang mga OFWs na nagnegatibo sa COVID tests.

Ito ang iniulat ngayon ni Sec. Carlito Galvez, ang chief implementer ng government national action plan sa COVID response.

Sa pag-uulat ni Galvez sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng IATF, kinumpirma nito ang direktiba ni DND chief Sec. Delfin Lorenzana sa DOTr, OWWA at Marina na payagang makalabas ng mga quarantine centers at sa mga cruise ships na nakahimpil sa Manila Bay ang mga natapos nang sumailalim sa RT-PCR tests at nagnegatibo.

Una nang isinapubliko ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs kasama ang Philippine Coast Guard ang paglalabas ng karagdagang 4,104 na mga pangalan liban sa naunang 6,500 din na inilathala noong nakaraang linggo na nagnegatibo sa tests.

Bago ito ipinaabot ng ilang seafarers at OFW sa Bombo Radyo ang labis nilang pagkadismaya dahil marami sa kanila ay nagnegatibo naman sa PCR test pero hindi pa rin pinapayagang makauwi sa kanilang mga tahanan.

OFW COVID TEST
PCG medical personnel collecting swab samples from Filipino seafarers who are in quarantined on cruise ships (Photos from PCG)

Ang iba naman sa mga seafarers ay lampas na sa 14 na araw na quarantine period sa ilang mga cruise ships na nasa Manila Bay anchorage area.

Meron ding ibang mga Pinoy crew ang halos mag-iisang buwan na sa barko at ang iba ay nasa mga hotels at makeshift na quarantine centers sa Metro Manila.

Kinumpirma rin naman ni Galvez na sa kabuuan nasa 22,432 na ang naisailalim sa tests ng Philippine Red Cross (PRC).

Pero 465 sa mga ito ay nagpositibo sa COVID-19.

“Sa ngayon po ito ang medyo malaking problema natin. Mr. President I would like to inform you na malaki ang problema natin sa returning OFW dahil sa ngayon po more than 27,000 na ang nandito ngayon sa Manila.”

Aminado rin ito na lalong lolobo pa ang problema ng gobyerno sa backlog kung hindi mapauwi ang mga OFW dahil darating na naman ang karagdagan pang 42,000 ngayong buwan ng Mayo at sa papasok na Hunyo.

“So, mao-overwhelm na po ang ating mga hotels,” ani Galvez.

IATF DUTERTE LOPEZ GO DND
President Duterte with the IATF-EID members