-- Advertisements --
NTF DIZON GALVEZ
IMAGE | Sec. Carlito Galvez and Sec. Vince Dizon (left) during a visit in Makati City/NTF, Facebook

MANILA – Hindi makakasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsalubong sa 38,400 doses ng AstraZeneca vaccines na darating mamayang gabi.

“Mamaya susunduin namin (ni Sec. Vince Dizon), kami ang sasalubong doon sa Terminal 3 (ng Ninoy Aquino International Airport). More or less 7 or 7:30 (in the evening),” ani Vaccine czar Carlito Galvez.

“Hindi na po (kasama si Pangulong Duterte),” dagdag ng kalihim.

Ang darating na shipment ng bakuna mamaya ay bahagi ng 525,600 doses na donasyon ng COVAX facility ng World Health Organization.

Kung maaalala, dumating na noong Huwebes ang 487,200 doses ng AstraZeneca vaccine.

Inabot ng higit dalawang oras bago sinalubong ni Duterte ang donated vaccines, matapos dumalo sa isang meeting sa Malacanang.

“Itong pinangako sa ating first tranche na 525,600, itong (38,400) yung naiwan kasi commercial flight ito. Yun lang ang magkakasya sa cargo bay (487,200).”

Una nang sinabi ng WHO na 4.5-million doses ng British-Swedish vaccine ang inaasahang makakarating sa bansa hanggang sa buwan ng Mayo.

Nitong Sabado nang simulan nang pamahalaan ang pagtuturok ng AstraZeneca vaccines. Halos isang linggo mula nang unang magbakuna ang bansa gamit ang Chinese-donated na Sinovac vaccine.

Ang Ospital ng Paranaque at Cardinal Santos Medical Center ang mga unang nakatanggap ng AstraZeneca vaccine.

Ngayong araw naman, nagturok na rin naturang bakuna sa QualiMed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna.

Sa ilalim ng rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), inirerekomenda ang dalawang dose ng AstraZeneca vaccine sa pagitan ng 8-weeks.