-- Advertisements --

Humingi nang paumanhin sa publiko si National Task Force Against COVID-19 (NTF) chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa pagdagsa ng maraming tao sa dolomite beach sa Manila Bay.

Pinangangambahan kasi ng ilang health experts na maging super spreader event ang pagpunta ng libu-libong katao sa white sand area ng Manila Bay sa mga nakalipas na araw sa harap ng COVID-19 pandemic.

dolomite beach manila roxas blvd

Aminado si Galvez na mayroong lapses, at tanggap nila ito, pero naniniwala rin siyang iwawasto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sitwasyon sa dolomite beach.

Sa pagdagsa ng maraming tao sa naturang lugar, makikita na talaga aniya ang “eagerness” ng tao na lumabas na sa harap ng napakahabang quarantine restrictions dulot ng pandemya.

Gayunman, nakikita naman na “motivation” ni Galvez sa panig ng pamahalaan ang pangyayari sa dolomite bech para mapabilis na talaga ang pagbabakuna.

Samantala, pinalitan na ang ground commander ng dolomite beach sa Manila Bay kasunod nang pagpunta ng maraming mga tao sa lugar.

Ito ang iniutos ni Environment Secretary Roy Cimatu, kung saan papalitan na ni Reuel Sorilla si Director Jacob Meimban Jr. bilang ground commander sa lugar.