-- Advertisements --

Tinatalakay na umano ng pamahalaan ang magiging plano para mas matugunan ang influx o pagbuhos ng mga umuuwing overseas Filipino workers (OFWs) na stranded ngayon sa Metro Manila dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).

Sa pulong ng Inter-Agency Task Force kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni COVID-19 response chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr na sa pinakahuli nilang datos ay umaabot na sa 20,000 OFWs ang kasalukuyang nananatili ngayon sa mga quarantine facilities sa Kalakhang Maynila.

Maliban dito, inihayag ni Galvez na inaaral na rin nila sa ngayon ang gagawin nilang hakbang para sa pagpapauwi na rin sa mga locally-stranded individuals sa kani-kanilang mga probinsya.

“We have considered how can the government better address the influx of OFWs and locally-stranded individuals. OFWs are continuously coming,” ani Galvez.

Samantala, inirekomenda rin ng kalihim ang hinay-hinay o gradual lifting ng ECQ upang maiwasan ang muling pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon pa sa opisyal, kailangang ituon ng pamahalaan ang pokus sa mga carriers ng COVID-19 para magtagumpay ang gobyerno na mapigilan ang pagkalat ng deadly virus.