Minaliit lamang ng pamahalaan ang naging sentimiyento ng publiko na mistulang “matira matibay” umano ang scenario kasunod ng pagpapaluwag sa quarantine protocols sa Metro Manila.
Sa press briefing sa Malacanang, sinabi ni COVID-19 response chief implementer Carlito Galvez Jr. na hindi raw tamang sabihin na ganito ang nangyayari sa National Capital Region, na isinailalim na sa general community quarantine.
“Hindi naman siguro tama ‘yung matira matibay kasi talagang tinitingnan namin. Kami nga nila DTI, umiikot kami nila NCRPO, nakikita namin talaga na ‘yung mga tao, sumusunod din sa atin,” wika ni Galvez.
Sa kanyang obserbasyon, nakita raw ni Galvez na sumusunod ang publiko sa mga ipinatutupad na panuntunan.
Ibinahagi rin ni Galvez na nang minsan silang naglibot sa mga shopping centers sa Kamaynilaan, napansin nila ang maliit na bilang ng mga nagtutungo sa mga malls.
Paliwanag ni Galvez, posibleng takot pa rin ang publiko na gumala dahil sa posibilidad na mahawaan sila ng deadly virus.
“Umikot kami sa mga malls… akala natin madaming nandoon, alam niyo 20% pa lang ang pumupunta dahil malaki ang takot ng mga tao. Nakakaawa ‘yung business sector dahil walang pumapasok sa mga stalls,” anang kalihim.
“With that, nakikita din natin ‘yung ating mga business sector, they are heightening up their strict protocols… Natutuwa nga kami dahil ‘yung mga LGU at mga business sectors, mas mataas pa ‘yung awareness nila…” dagdag nito.
Tiniyak naman ni Galvez na nagtutulungan ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan at ang mga local government units para mapigilan ang transmission ng COVID-19.