-- Advertisements --

Umapela si vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na dapat isantabi ng Pilipinas ang hidwaan nito sa China kaugnay sa West Philippine Sea sa gitna ng paglaban ng buong mundo sa COVID-19 pandemic.

Ginawa ni Sec. Galvez ang pahayag sa Senate hearing nang tanungin ni Sen. Risa Hontiveros kung matitiyak nito ang publiko na hindi isusuko ng gobyerno ang maritime claims kapalit ng COVID-19 vaccines na gawa ng China.

Sinabi ni Sec. Galvez, ang global interest sa ngayon ay mailigtas ang sangkatauhan mula sa kinakaharap na pandemya.

Ayon kay Sec. Galvez, lahat ng bansa ay nagsusuportahan kaya dapat isantabi muna ang isyu ng West Philippine Sea sa China habang sama-samang nilalabanan ang global pandemic.

Iginiit ni Sec. Galvez na walang ikokompromiso ang gobyerno kapalit ng bakuna at ang ginagawang selection process ay batay umano sa science.