-- Advertisements --
DOST USEC ROWENA GUEVARA
IMAGE | DOST Usec. Rowena Guevara/Screengrab, DOH press briefing

MANILA – Nakatakda na rin daw magpasa ng aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas ang Russian-based na Gamaleya Research Institute.

Ito ang kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) kasunod ng anunsyo na inatras na ng institusyon ang aplikasyon nito para sa clinical trials ng Sputnik V sa bansa.

“Yung AstraZeneca at Gamaleya pareho nang nag-withdraw ng kanilang application for clinical trial. This week lang yung Gamaleya,” ani Science Usec. Rowena Guevara.

“Napaka-simple ng rason nila (Gamaleya), mag-aapply na sila ng EUA kaya hindi na sila magki-clinical trial dito.”

Unang umatras noong December 10 ang AstraZeneca. Nitong buwan naman nang magpasa rin sila ng EUA application.

Ayon kay Usec. Guevera, posibleng ngayong araw o bukas magpasa ang Russian-institute ng kanilang aplikasyon para sa emergency use.

DOST PRESENTATION
IMAGE | DOST presentation

May EUA na ang Gamaleya mula Russia, Argentina at Belarus. Ang AstraZeneca naman, nagawaran na rin ng emergency use authorization sa United Kingdom, Mexico, Argentina, at India.

Sa January 14 inaasahang maglalabas ng desisyon ang FDA para sa EUA application ng Pfizer-BioNTech na nagpasa ng aplikasyon noong December 23. Una na rin silang nabigyan ng emergency use sa UK, Amerika, Kuwait, Mexico, Singapore, at Canada.

CLINICAL TRIAL APPLICATIONS

DOST PRESENTATION1 2
IMAGE | DOST presentation

Sa ngayon, tanging mga Chinese companies na Clover Biopharmaceutical at Sinovac Biotech na lang ang may pending pang aplikasyon para makapagsagawa ng clinical trial.

Nauna nang binigyang ng approval ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng Janssen Pharmaceutical ng Johnson & Johnson noong Disyembre.

“Yung CRO (contract research organization) nila nag-submit na ng mga lacking requirements sa FDA. Hinihintay pa natin ang FDA diyan.”

“Yung Clover tapos na sa vaccine expert panel at ethics review board, hinihintay na lang na matapos ng FDA yung evaluation sa kanila.”

Mula sa dalawang Chinese-based companies, ang Sinovac lang ang “bilateral partner” ng pamahalaan. Ibig sabihin, bukod sa clinical trials, may pangako rin sila na supply ng COVID-19 vaccines sa bansa.

DOST PRESENTATION2 1
IMAGE | DOST presentation

May 25 bilateral partners daw ang pamahalaan mula sa 10 bansa, ayon sa DOST undersecretary. Lahat sila ay may interes na magsagawa ng Phase III clinical trials, mag-manufacture, at mag-distribute ng kanilang bakuna sa Pilipinas.

“We are currently in negotiation with 24 pharmaceutical companies across the globe: six from China, (and) US; four from Taiwan; two from Russia, Australia, and Germany; and one from India, Japan, United Kingdom, and Canada.”

“Among these partners, we already have confidentiality data agreement with 11 vaccine developers.”

Ayon kay Usec. Guevara, mahalaga na maraming kausap na vaccine developer ang bansa. Ito raw kasi ang magbibigay ng pagkakataon sa pamahalaan para makapili ng talagang epektibo at ligtas na coronavirus vaccine.

“Baka magtaka kayo bakit madami tayong kausap samantalang mayroon na tayong pinu-pursue ngayon. Ang rason diyan, itong iba nasa Phase I or II clinical trial pa, by this year aabot na yan sa Phase III. Maaari yung mga nahuhuling bakuna ay baka pwedeng mas magaling sila sa current vaccines.”

“Mayroon pa ring potential na yung iba dito masasama sa procurement natin pagdating ng 2022.”