Inaasahang sa loob ng apat hanggang limang buwan magiging available na sa merkado sa Amerika ang oral drug na Molnupiravir na kayang mapigilan ang coronavirus transmission sa oras na maging matagumpay ang isinasagawang human clinical trials.
Inisyal na dinivelop ng dalawang malalaking pharmaceutical company na Rigibel ng Germany at Merch ng US ang antiviral drug na Molnupiravir bilang gamot sa influenza.
Nauna rito, lumalabas sa pag-aaral ayon kay molecular epidemiologist Jill Roberts na kaya nitong pigilan ang viral replication at epektibo rin aniya ito para malabanan ang iba pang mga virus gaya ng SARS at MERS.
Sa naturang pag-aaral gumamit ang mga researchers ng isang ferret model para makita ang epekto ng oral drug na mapigilan ang pagkalat ng coronavirus kung saan nakita sa findings na napapababa ng antiviral drug ang transmission ng virus.
Maaari ring gamiting alternatibo ang oral drug na Molnupiravir para sa mga taong ayaw magpaturok ng covid vaccine o walang kapasidad na makakuha ng vaccine shots.
Kasalukuyang nasa phase III clinical trial na ang Molnupiravir matapos na matagumpay na makompleto ang una at ikalawang phase ng human clinical trials.