-- Advertisements --
DAVIS 1
All-NBA center Anthony Davis of Lakers

Bigla na ring kinansela ng NBA ang kanilang aktibidad sa Shanghai na pangungunahan sana ng Los Angeles Lakers.

Ang kanselasyon ay isinagawa ilang oras bago ito magsimula.

Sinasabing ang naturang hakbang ay bahagi pa rin ng epekto sa naging kontrobersiyal na tweet ni Houston Rockets general manager Daryl Morey na una nang nagpaabot nang suporta sa mga anti-government protesters sa Hong Kong.

Agad naman nilinaw ng NBA na hindi umano nila desisyon ang pagkansela sa naturang aktibidad.

Maging ang fan event sana ngayong araw ay kinansela na rin.

Una rito nakansela rin kahapon ang isa pang NBA Cares event para naman sa Brooklyn Nets sa isang education center sa Shanghai bunsod pa rin nang desisyon ng Chinese government.

Para naman kay NBA commissioner Adam Silver magtutuloy pa rin ang pagbibigay ng donasyon ng liga sa nabanggit na center.

Sinasabing natuloy naman ang practice ng Lakers pero isinara na ito sa media.

Maging ang nakatakdang media sessions kasama ang mga NBA players ay nakansela na rin.

Magsasalpukan sana ang Lakers at Nets para sa kanilang unang dalawang preseason games na magaganap sa China.