-- Advertisements --

Muling idinepensa ng ilang eksperto sa bansa ang mga bakuna na ginagamit ng Pilipinas para pigilan ang COVID-19.

Ayon kay Dr. Edsel Salvana, miyembro ng Department of Health Technical Advisory Group, sa 1.6 milyon na mga health care workers na nabakunahan ng Sinovac mula China, nasa 33 lamang daw ang nagkaroon ng tinatawag na breakthrough infection o nahawa at wala pa raw namamatay.

Ayon kay Salvana, ito umano ang good news dahil ang protection laban sa severe disease ay nandiyan pa rin.

Una rito may report sa Indonesia at Thailand na may mga health care workers na maraming tinamaan ng COVID kahit may bakuna na ng Sinovac.

Todo naman ang paalala ni Dr. Salvana na kahit fully vaccinated na ay dapat manatili pa ring sumusunod sa ipinatutupad na health protocols.

Naniniwala rin ito na kahit anumang variant tulad ng Delta COVID variants kung vaccinated na ang isang tao ay may protection na ito sa severe diseases o malalang pagkakasakit.