-- Advertisements --

Umapela ngayon ang ilan sa mga biktima ng food poisoning sa birthday celebration ni dating First lady Imelda Marcos sa Ynares Sports Center sa lungsod ng Pasig kahapon na sana raw ay matulungan sila sa kanilang mga gamot.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Teresita Busako, 49-anyos, hirit nila na mabigyan sila ng pambayad sa ospital at pamasahe pauwi sa kanilang lugar sa Taguig City.

Kung siya raw ang tatanungin, gusto raw sana niyang maghain ng reklamo ngunit hindi na lamang daw niya ito gagawin dahil hindi umano pabor dito ang kanyang asawa na isa rin sa mga nalason.

Gayundin ang apela ni Elma Manuel na tubong Mandaluyong City na namomroblema rin kung saan kukunin ang pambili ng gamot.

Sinabi rin ng ilan sa mga biktima na nakauwi na, binigyan umano sila ng P300 hanggang P500 na pamasahe ng nagpakilalang mula sa event.

Nangako rin daw ito na bibigyan pa sila ng pera ngunit huwag na raw sana silang magsalita upang hindi na lumaki pa ang isyu.

Magugunitang umabot sa 270 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na isinugod sa iba’t ibang pagamutan matapos makaramdam ng pagkahilo at pananakit ng tiyan makaraang kumain ng adobong manok.

Pero ayon kay acting City Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Bryan Wong, karamihan sa mga nabiktikma ay nakauwi na ngunit ang ilan ay patuloy pa ring ginagamot sa mga ospital.

Dagdag ni Wong, nakausap na raw nila ang mga organizers at kinumpirmang sasagutin ng mga Marcos ang gastusin sa ospital ng mga biktima.

Patuloy sa kasalukuyan ang imbestigasyon sa naganap na insidente kung saan pinagsususpetsahan pa rin ang inihaing itlog sa adobong manok ang dahilan ng pagkalason.