-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sinasabing pinuno ng kilabot na Talisik Criminal Group na umano’y sangkot sa pagbaril-patay sa isang abogado sa lungsod ng Malaybalay, Bukidnon.

Kinilala ang suspek na si Marlon Talisik, 47-anyos, residente ng Barangay Casisang ng lungsod at nakumpiska sa kanya ang .45-caliber na baril, mga bala, granada at gun silencer.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Bukidnon Provincial Police Office spokesperson Maj. Jiselle Longgakit na hawak nila ang inisyal na impormasyon na nasangkot sa “gun for hire killing” at “gun running” ang grupo ni Talisik sa ilang bahagi umano ng Bukidnon.

Inihayag ni Longgakit na inaaresto ng CIDG-Bukidnon ang suspek batay sa utos ng korte dahil umano sa pag-iingat ng hindi dokumentadong baril at ibang kontrabando.

May ilang impormasyon din aniyang hawak ang PNP na maaring idugtong sa nangyari naman sa kaso ng pagkasawi ni Atty. Winston Intong, na malapitang binaril-patay sa labas ng bahay nito sa Barangay 10 ng Malaybalay City noong nakaraang linggo.

Una na ring kinondena ng Integrated Bar of the Philippines ang pagpatay kay Intong na binanggit ng Police Regional Office 10 na napabilang din umano sa drug list ng Pangulong Rodrigo Duterte.