Ngayon pa lamang ay inamin na ng reporter turned beauty queen na si Ganiel Krishnan na wala siyang ibang gusto, kundi ang makoronahan bilang sunod na kinatawan ng Pilipinas sa Miss World.
Pahayag ito ng 26-year-old Indian-Filipina beauty sa desisyong subukan uli ang kapalaran sa mundo ng beauty pageant.
Ayon kay Krishnan, determinado siya para sa Miss World Philippines crown na siyang tatangkang magbigay sa bansa ng pangalawang korona ng Miss World kaya wala siyang ini-entertain na anomang bad vibes.
“Alam mo when you think so much about winning, parang there’re lesser chance for you to think about losing. That’s what I am doing right now. I am trying to attract positive thoughts all the time. I just really want to stand by what I said. It’s really Miss World or nothing because I am really aiming for the World. ‘Yun talaga ‘yung gusto ko,” saad nito sa ABS-CBN.
Nangangahulugan ito na hindi interesado si Ganiel sa iba pang title ng Miss World Philippines Organization gaya ng Miss Supranational Philippines, Miss Eco Philippines, Reina Hispanoamericana Filipinas, Miss Multinational Philippines, Miss Teen Eco International Philippines, at Miss Tourism Philippines.
Kung maaalala, ang half American na si Megan Young ang first ever Pinay na nakapagbigay sa bansa ng Miss World title noong 2013.
Si Ganiel naman ay dati nang tinanghal bilang Mutya ng Pilipinas Asia-Pacific International noong 2016 at naging second runner-up sa Miss Asia-Pacific International.
Una nang naiulat na gaganapin ang Miss World Philippines 2020-2021 sa darating na July 11, at usap-usapan ang posibilidad na masabay pa ito sa coronation naman ng Binibining Pilipinas.
Sa ipinakilalang 45 official Miss World Philippines candidates, kabilang pa sa matunog na pangalan na early favorites para manalo ay ang actress/singer na si Emmanuelle Vera, at mga “repeater” na sina Dindi Pajares at Rufa Nava.
Unang sumali si Dindi sa 54th Binibining Pilipinas noong 2017 pero bigong magwagi, habang si Ruffa ay sumali sa Miss World Philippines noong 2014 at hindi rin pinalad.
Dahil sa pangalang Dindi at Ruffa, sinasabing magpapaalala ito sa naging mahigpit na kompetisyon nina Dindi Gallardo at Ruffa Gutierrez sa 30th Binibining Pilipinas noong 1993.
Naging kontrobersiyal ang showdown kung saan si Gutierrez umano ang pinapaborang manalo ng Binibining Pilipinas-Universe crown, pero si Gallardo ang nakasungkit nito.