Kumambyo si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa naunang pahayag nito hinggil sa pag-iingat ng gobyerno sa pagpapa-deport sa mga Chinese workers sa bansa.
Magugunitang sinabi ni Sec. Panelo noon na kaya hindi nila basta-basta mapapaalis ang mga Chinese workers sa Pilipinas ay dahil nagbabala umano si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na palalayasin rin nila ang mga Pilipino sa China.
Pero kahapon itinanggi ni Ambassador Zhao na nagbigay siya ng ganitong pahayag.
Ipinaliwanag ngayon ni Sec. Panelo na hindi naman daw talaga sinabi ito ng Chinese ambassador at ang binanggit niya noon na posibleng pagganti ng China ay bahagi lang daw ng “academic discussion.”
Inihayag ni Sec. Panelo na hindi naman daw niya tinutukoy na ganito nga ang gagawin ng Pilipinas at China, kundi sinasabi lang niya ang natural na reaksyon ng mga gobyerno kapag nadedehado ang kanilang mga mamamayan.