Tinuligsa ni assistant minority leader at Iloilo 1st Rep. Janet Garin ang pinagtibay na 2020 proposed P4.1-trillion national budget sa third and final reading sa Kamara de Representantes.
Sa kanyang pagtayo sa nominal voting, kabilang sa binatikos ni Garin ang pagbaba ng budget ng Department of Health (DOH) at ang paglalaan ng Department of Justice (DOJ) ng dagdag na pondo para sa Public Attorney’s Office (PAO).
“Dahil sa politika at pagpapabaya masasabi nating narito na tayo sa punto kung saan ang sakit na dapat ay agapan muling nararamdaman at tiyak na maghahatid nang pasakit sa mga minamahal na mamamayan,” ani Rep. Garin.
Kung maalala una nang isinisi kay Garin noong ito pa ang Health secretary ang pagkamatay umano ng ilang mga bata dahil sa maling pagpapatupad ng Dengvaxia vaccine.
Habang nanguna naman si PAO chief Atty. Persida Rueda-Acosta sa pagsasampa ng kaso laban kay Garin at iba pa.
Sa kanya pang talumpati kinwestyon ni Garin ang health care system ng DOH at ang pagbaba raw ng pondo ng aabot sa P9.2 billion para sa taong 2020.
Sinisi rin ng dating Health secretary ang isyu sa politika, pagpapabaya at kawalan daw ng prayoridad kaya bumaba ang tiwala ng publiko sa pagbabakuna na nagdulot nang pagbabalik ng ilang mga sakit.
Inihalimbawa pa nito ang isyu sa expired na mga gamot, dengue epidemic at ang pagbabalik ng sakit na polio na dati ay wala naman.
Sa kabilang dako, tinawag namang iligal ni Garin ang paghirit daw ng budget ng Public Attorney’s Office sa pagpatayo ng forensic laboratory.
Binanatan ng mambabatas si Atty. Acosta bagamat hindi niya pinangalanan sa kanyang turno en contra speech. Gayunman malinaw na ito ang pinatutungkulan ng dating DOH secretary.
Pinuntiryari rin ito ni Garin dahil sa paghingi daw ng halos 45 porsyento na budget para sa PAO.
Tumaas umano ng kabuuang P4.2 billion ang para sa next year kumpara sa 2019 national budget.
“Ilang personalidad pa kaya ang gagawa ng mga pakulo at kung anu-ano pang paratang para lamang makapagpapogi or more appropriately makapagpaganda,” bahagi pa ng patutsada ni Garin.
Samantala, liban sa 257 na mga kongresista na bomoto ng “yes” sa mabilis na pagpasa sa 2020 national budget, nagpasalamat pa rin si House Speaker Alan Peter Cayetano maging sa oposisyon.
Aniya, kung meron mang batikos ang mga ito, nararapat lamang na maglatag din ng malinaw na mga alternatibo.
Hinamon pa niya ang mga kasamahan sa Kamara na ipagpatuloy ang pagbusisi sa budget at magsumite ng mga amiyenda kung kinakailangan.
Sinabi pa ni Cayetano na bukas ang liderato ng Kamara na tanggapin ang anumang amiyenda sa 2020 budget ng hanggang Setyembre 23.
Hinimok nito ang iba pang mga kongresista na pamarisan si Deputy Speaker Loren Legarda na nauna nang nagsumite ng kanyang amiyenda sa budget lalo pa at may consensus na rin sa ngayon sa kahalagahan na madagdagan ang P7 billion fund ng National Food Authority sa pagbili ng mga palay mula sa mga lokal na magsasaka.
“[House Appripriations Committee chair Isidro] Sid Ungab has already found Php 3 Billion to add to 10 but we would like to go higher than 10 Billion. But yung pandagdag ng pambili ng palay ay balewala din kung hindi kumprehensibo ang ating approach sa family size farming and making this type of farming and agrarian reform effective in our country,” paliwanag pa ni Cayetano.