VIGAN CITY – Handang makipag-debate si Iloilo Rep. Janette Garin kay Buhay Party-list Rep. Lito Atienza matapos ang mainit nilang tagpo sa plenaryo ng Kamara kaugnay ng bakuna,
Ito ang sagot ng dating Department of Health (DOH) secretary sa panayam ng Bombo Radyo, kung saan iginiit nito na may mga ebidensya siyang magpapatunay na mali ang mga alegasyon ni Atienza laban sa vaccines gaya ng anti-dengue na Dengvaxia at tetanus toxoid na sentro ng plenary debate nitong Martes.
Iginiit ni Garin na walang basehan ang mga pahayag ng kapwa mambabatas nang sabihin nito na wala ng kompiyansa ang publiko sa pagpapabakuna dahil sa issue ng Dengvaxia.
Sa hiwalay namang panayam, sinabi ni Atienza na ang dating kalihim ang dapat sisihin sa nabanggit na issue bilang ito umano ang opisyal ng DOH na nagpatupad ng mass vaccination program kontra dengue gamit ang kontrobersyal na bakuna.
Nanindigan din ang party-list congressman na may pag-aaral ng ginawa ang Kamara para idiin ang epekto ng Dengvaxia issue sa mababang bilang ng mga nagpapabakuna ngayon.